Saturday, July 11, 2009

Ang Ating Patron - San Lorenzo Ruiz


Ang pagiging banal ay isang katangian ng totoong simbahan, ng simbahan Katoliko. Ang pagyabong ng pananampalataya sa Krus, ang siyang nagpapabata ng simbahan sa habang panahon. Buhat sa iba’t ibang lahi at kultura ang binhi ng ebanghelyo ay umuusbong at lumalago sa takbo ng panahon at sa iba’t ibang lugar. Ang tawag sa pagiging banal ay pangkaraniwang bokasyon ng bawa’t mananampalataya. Si San Lorenzo Ruiz, ang kauna-unahang santo natin ay nagpapaalala sa atin na hanggang ngayon buhay pa ang panawagan na tayo ay maging banal at handang sumaksi para kay Kristo, kahit na magbuwis ng dugo.

Si Lorenzo ay ipinanganak sa Binondo, isang munting parian na noo’y nasa labas ng siyudad ng Maynila. Ang ama niya ay isang Intsik at ang kanyang ina naman ay isang Filipina. Bininyagan siya sa pagitan ng 1600-1610 at binigyan ng pangalang Lorenzo Ruiz. Hindi alam ang tiyak niyang kapanganakan sa dahilan ang mga dokumento ng binyag ng simbahan ng Binondo noon ay nasunog. Kahit na, naging kaugalian na na pangalanan ang bata sa ngalan ng santong patron ng araw na isilang ang bata. Kaya malamang, si Lorenzo ay ipinanganak sa kapistahan ni Saint Lawrence, isang diyakonong martir.

Kakaunti ang kaalaman tungkol sa buhay ni Lorenzo noong siya’y bata maliban sa siya ay namasukan sa kumbento ng mga pareng Dominiko sa Binondo bilang houseboy at sacristan. Dito nag-umpisang mahubog ang kanyang pananampalataya nang siya’y naging aktibong miyembro ng Confradia de Santisimo Rosario kung saan siya’y naging madasalin at ang buhay naman niya’y naging maka-kristiyano. Nabigyan si Lorenzo ng mabuting edukasyon sa ilalim ng mga Dominikong pare at nang magtapos siya, siya’y kinuhang “escribano” o kalihim ng kumbento. Dahil sa kaniyang kagalingang ipinakita, ibinigay sa kanyang ang malaking responsabilidad na magsalin ng mga dokumento ng binyag, kumpil at kasal sa opisyal na libro ng simbahan. At dito napanatag ang loob ng mga pare at lubos siyang pinagkatiwalan.

Hindi naglaho, si Lorenzo ay nag-asawa. Ang napangasawa niya ay isang Tagala, tulad ng kanyang ina. Laki rin ang mga ninuno ng kanyang asawa sa lugar kung saan nanirahan ang orihinal na pamilya ng mga Ruiz. Sila ay nabiyayaan ng tatlong supling – dalawang lalaki at isang babae. Si Lorenzo ay naging mabuting ama at asawa sa kanyang pamilya. Patuloy pa rin siyang nagtrabaho sa simbahan ng Binondo kung saan nahubog ang kanyang pagiging aktibo sa mga gaawin ng simbahan, na siyang nagpatibay ng kanyang pananampalataya sa Diyos at patuloy na nagpalalim ng kanyang debosyon sa Mahal na Birhen, lalo na sa pagdarasal niya ng Santo Rosaryo.

Masaya si Lorenzo sa piling ng kanyang pamilya at matahimik ang kanilang pamumuhay. Subali’t hindi ito nagtagal. Sa masamang palad, noong taong 1636, si Lorenzo ay nasangkot sa isang mabigat na kasong kriminal sa pagkamatay na isang Kastila. Si Lorenzo ay pinaghahanap ng mga Guardia Civil para imbestigahan at kasuhan. Sa laking takot ni Lorenzo na siya’y hindi mabibigyan ng katarungan, lumapit siya sa mga among Dominiko at humingi na siya’y tulungang makatakas. Dahil sa paniwala ng mga pare na wala siyang kasalanan, si Lorenzo ay isinama nila sa isang misyon sa labas ng Pilipinas. Noong umpisa, ang buong akala niya’y tutungo sila sa Taiwan o Macao kung saan, sa tulong ng kanyang dugong Intsik, siya’y umasang makakahanap ng trabaho bilang isang “escribano”.

Noong madaling araw ng ika-10 ng Hunyo, taon 1636, si Lorenzo, kasama ang limang misyonerong Dominiko, ay palihim na umalis ng Maynila sakay sa isang maliit na bangka para tagpuin ang ekspedisyon misyonaryo ni Fray Domingo Ibanez na tutungo sa bayan ng Nagasaki sa lupain ng Hapon. Hindi alam ni Lorenzo na sa bansang Hapon sila papunta at lalong hindi niya alam kung anong sasapitin niya roon. Sa kanyang pagtakas sa kamatayan sa Maynila, di niya inakalang sa lupain ng Hapon niya pala ito haharapin! Kasama ni Lorenzo ang mga paring sina Antonio Gonzalez, Miguel Aozaraza, Guillelmo Courtet, Vicente Shiwosuka de la Cruz at si Lazaro, isang laykong may ketong na taga Kyoto.

Pagkalipas ng isang buwan, si Lorenzo at ang kanyang mga kasama ay dumaong sa isla ng Lequios o Okinawa Islands na tawag dito ngayon. Dito ni Lorenzo makakaharap ang pinakamalaking pagsubok ng kanyang pananampalataya, ang kanyang pagiging martir! Wala siyang kaalam-alam noon na hindi na niya makikita ang kanyang pamilya o ang kanyang bayan.

Pagkababa ni Lorenzo at kanyang mga kasama, sila ay agad nakilala bilang mga Kristiyano at dagliang hinuli at ikinulong. Noong ika-21 ng Setyembre, 1637, pagkatapos nang mahigit sa isang taong paghihintay, si Lorenzo, kasama sina padre Antonio Gonzalez at ang laykong si Lazaro ay naunang dumating sa Nagasaki para sa paglilitis ng kanilang kaso. Sila ay agad tinanong tungkol sa kanilang pananampalataya at pagpasok sa bansang Hapon.

Pagkatapos ng pagtatanong, sinimulan kaagad ng hukuman ang pagpaparusa sa mga dayuhan. Nauna si padre Gozalez na pinahirapan sa pamamagitan ng “Water torture” kung saan pilit na paiinumin siya ng maraming tubig hanggang lumobo na ang kanyang tiyan. Pagkatapos, inilagay ang isang tabla sa ibabaw ng tiyan niya at siya naming tinatapakan ng dalawang sundalo sa magkabila niya upang puwersahin ang tubig na lumabas sa kanyang katawaan. Pagkatapos nito, inutusan siyang tapak-tapakan ang imahen ng ating Mahal na Birhen. Subali’t hindi nagpatinag si padre Gonzalez bagkus tinanggap niya ang karagdagang pagpaparusa dahil hindi niya magawang yurakan ang imahen ng ating Mahal na Ina.

Ang lahat ng ito’y nasaksihan ni Lorenzo. Sa laking takot niya na sasapitin niya ang ganoong parusa, agad-agad niyang itinakwil ang kanyang pananampalataya sa harap ng mga autoridad. Nguni’t nang sila’y dalhin sa kulungan at, sa katahimikan ng kaniyang selda, siya’y nakapagnilay, agad siyang humingi ng kapatawaran sa kasama niyang pare. Sa sumunod na mga araw nagpatuloy ang pagpaparusa sa dalawang kasama ni Lorenzo at siya’y tinanong ulit kung itatakwil niya ang kanyang pananampalataya. Nagdalawang isip si Lorenzo at humingi ng “interpreter” upang ipatanong kung siya’y pakakawalan kung tatalikuran niya ang kanyang pananampalataya.

Bago pa man niya matanggap ang sagot ng hukom, agad niyang tinawag ang “interpreter” at sinabing “Ako ay isang Kristiyano hanggang sa oras ng aking kamatayan; para sa Diyos ibibigay ko ang aking buhay. Napunta ako dito sa Hapon hindi upang maging martir kung hindi dahil sa Maynila hindi ako maarign manirahan. Ako ay isang Krisyano. Ibibigay ko ang aking buhay para sa Diyos. Gawin na ninyo ang gusto ninyo sa akin.” Pagkatapos niya itong sambitin, si Lorenzo ay pinarusahan ng “water torture” tulad ng kanyang mga kasama.

Ang pagdating ni Lorenzo at kanyang mga kasama sa lupain ng Hapon noong panahong iyon ay nabalot sa ‘di kagandahang palad. Noong kasi, ang pamunuan ng bansang Hapon ay nagsagawa ng matinding pagpaparusa at pagpatay ng mga Kristiyanong mananampalataya sa bansa, lalo na sa bayan ng Nagasaki. Mabilis kasing lumago ang sektang Kristiyano kasama na ang mga Katoliko kung kaya’t nabahala ang gobyerno at dagliang naglunsad ng malawakang paglilitis at pagpatay sa mga nanatiling Kristiyano. Sa maikling panahon mula 1637-39, mahigit sa tatlumpong libong Kristiyano ang nagbuwis ng buhay alang-alang sa pananampalataya kasama na si Lorenzo at mga kasama.

Matapos ng dalawang beses niyang matunghayan ang pagpasakit sa kanyang mga kasama, at matapos na dalawang beses niyang itinakwil ang kanyang relihiyon at magbalik-loob, si Lorenzo ay nahatulang maparusahan ng water torture gaya ng kanyang mga kasama. Tinanggap na ni Lorenzo ng bukas loob ang kanyang sinapit na paghihirap at ito’y namalagi sa kanya hanggang sa huli.

Makaraan ang dalawang araw, si Lorenzo ay ihinarap muli sa kanyang manlilitis kung saan siya ay tinanonng diretso kung itatakwil ba niya ang pagiging Kristiyano. Sa diretso at buong loob, kanyang sinabing “Iyan ay di ko magagawa dahil ako ay isang Kristiyano at handa akong mamatay para sa Diyos. At para sa Kanya’y ibibigay ko kahit higit pa sa libo kong buhay. Kung kaya, gawin na ninyo ang nais ninyo sa akin.”

Para sa mga huwes, malinaw itong kaso ng isang Kristiyanong buong-buo ang loob na mamatay para sa kanyang pananampalataya kung kaya siya’y nahatulang mamatay.

Nagpatuloy ang pagpaparusa at si Padre Antonio Gonzalez, ang namuno sa misyon, ang siyang unang binawian ng buhay nang siya’y tinamaan ng mataas na lagnat dahil sa water torture. Namatay siya noong ika-24 ng Setyembre, 1637. Makalipas ang tatlong araw, si Lorenzo at kanyang mga kasama, ay kinaladkad palabas ng piitan upang bitayin. Habang nakatali ang kamay sa likod, at may busal ang bibig, sila’y isinakay sa kabayo at ipinarada sa lansangan ng Nagasaki kung saan may mga karatolang nag-aanunsiyo ng kanilang sentensiyang kamatayan. Ang kanilang destinasyon ay ang Nichizaka Hill, na tinaguriang ‘Bundok ng mga Martir” kung saan naghihintay ang kanilang kahuli-hulihang parusa.

Pagdating nila sa Nichizaka Hill, sila ay ibinitin ng patiwarik at ibinaba sa isang hukay. Noong panahong iyon, ito na ang isa sa pinakamasakit na paraan ng kamatayan. Tinatalian ang katawan ng bihag ng mga mabibigat na bato habang siya’y nakabitin. Sa tindi ng pagkakaipit ng dibdib, ang bihag ay makakaranas ng pagkaubos ng hininga hanggang tuluyan na itong malagutan ng hininga. Pagkaraan ng dalawang araw nitong parusa, si Lorenzo ay namatay. Ang katawan ni Lorenzo at mga kasama ay sinunog ng mga Hapon at ang abo nito’y isinaboy sa karagatan upang hindi na ito magamit ng mga Kristiyano sa kanilang pagsamba sa Diyos. Buong tapang at puso na ipinahayag ni Lorenzo ang kanyang pag-ibig at pananampalataya sa Diyos.

Makalipas ang tatlong buwan, ang balita ng pagkamatay ni Lorenzo at mga kasama sa lupain ng Hapon ay nakarating sa Maynila at tinanggap ng kalugod-lugod. Dahil sa tinding alab ng kanilang pananampalataya, nagtipon ang mga tao sa simbahan ng Binondo upang magbigay pugay sa isa sa mga martir, si Padre Marello Mastrilli, isa rin sa mga pinatay sa Hapon. Ang pagdiriwang ay nagtuloy sa simbahan ng Santo Domingo kung saan kinanta ng mga tao ang isang mataimtim na “Te Deum” o pasasalamat sa Diyos dahil sa tagumpay ng pananampalatayang Kristiyano sa Hapon.

Pagkaraan ng mahigit tatlong daan taon matapos ang kamatayan ni Lorenzo, ang kanyang buhay at pagkamartir, kasama ng kanyang mga kasama, ay dumaan sa matinding pananaliksik ng Vatican. Sa ilalim ng Santo Papang Juan Pablo II, kanyang binigyang diin ang pangkalahatang panawagan sa kabanalan, o ”universal call to holiness.” Sa loob ng kanyang panunungkulan, 1,340 na tao ang naging beato at 483 naman ang naging santo. Ito ay mahigit pa sa lahat ng naging beato at santo sa loob ng nakaraang limang daan taon.

Si Lorenzo ay dinakila bilang beato ni Juan Pablo II noong ika-18 ng Pebrero 1981 dito sa Luneta Park kasama ng labing-anim niyang kasama. Ang proseso ng kanyang beatification ay nagtagal lamang ng limang taon at ito’y isa na sa pinakamabilis na proseso ng beatification sa kasalukuyang panahon. Nguni’t mas higit pa dito, si Lorenzo ang kauna-unahang tao ginawang beato sa labas ng Vatican sa dalawang-libong taong kasaysayan ng simbahang katolika. Walang iba bago kay Lorenzo ang naging beato sa labas ng Vatican at sa kanyang sariling bansa.

Kasama din ni Lorenzo na ginawang beato ay sampung Hapon, apat na Kastila, isang Italyano at isang Pranses. Siyam dito ay mga pareng Dominico, dalawa ay laykong Dominico, dalawang madreng Dominico at apat na layko, kasama si Lorenzo. Sa kanyang mensahe, ipinahayag ng Santo Papa na ang beatification nitong mga martir na ito ay pangsimbahan at pangkalahatan (ecclesial and universal) dahil ang mga nagging beato ay nanggaling sa iba’t-ibang bansa at bokasyon at propesyon.

Pagkatapos ng beatification ni Lorenzo noong 1981, ang proseso naman ng kanyang canonization ay nagumpisa na. Ito ang huling hakbang sa kanyang pagiging santo. Tulad ng mga nauna sa kanya, kinakailangan magkaroon ng matibay na pruweba na banal at maka-Diyos ang buhay at kamatayan ni Lorenzo at karapat-dapat upang siya’y tanghaling santo. Sa pananaliksik ng Simbahan, walang naging balakid ang buhay at pagiging martir ni Lorenzo, bagkus ay lubusang napagtibay pa ito sa kanyang pagiging santo. Nguni’t sa proseso ng canonization, kinakailangan may isang conpirmadong milagro na bunga ng tulong ni Lorenzo. At ito na nga ay nangyari noong 1983 o dalawang taon pagkatapos ng kanyang beatification.

Noong ika-4 ng Marso, 1981, may isang batang babae na ipinanganak halos kasabay ng beatification ni Lorenzo. Siya ay si Cecilia Alegria Policarpio na nadiskubre na may rare brain disease, brain atrophy (hydrocephalus). Itong kanyang sakit ay nakita kaagad pagkasilang niya at ginamot sa Magsaysay Medical Center. Makalipas ang dalawang taong paggagamot na tila wala ng pag-asang gagaling pa, ay nangyari ang isang milagro sa pagdarasal ng pamilya at ng mga deboto ni San Lorenzo. Noong Hulyo 1983, napuna ng punong tagapaggamot na si Dra. Felicidad Soto na nanumbalik sa normal ang utak ni Cecilia.

Agad nagpadala ng mga doctor ang Vatican, sina Dr. Franceso De Rosa at Monsignor Joseph Geraud, upang magsagawa ng kabuuang pagsusuri sa milagrong ito ni Cecilia. Noong Disyembre 1986, iniharap ng dalawang dalubhasang manggagamot ang resulta ng kanilang pagsusuri kay Dr. Cortesini, Pangulo ng Medical Commission. Kaniya naming tinanggap ang kanilang pagpapaliwanag. At dito, sa pagpapatibay ng Simbahan na totoong may milagro, ang layunin sa pagiging santo ni Lorenzo ay naging isang katotohanan. At gayun na nga, noong ika-22 ng Hunyo, 1987, sa pulong ng Congregation for the Causes of Saints, hiningi ng Santo Papa Juan Pablo II na pagbotohan ang panukalang pagpapatibay sa milagrong ito kung saan naman ito ay nakapasa. Isa na lamang ang hakbang na naghihiwalay kay Lorenzo upang makabilang siya sa mga hanay ng santo ng simbahan. At ito ay nangyari noong ika-18 ng Oktubre 1987 nang si Lorenzo Ruiz ay pormal na ginawang santo sa canonization rites na ginanap sa Roma.

Makalipas ang anim at kalahating taong pagpupursigi matapos ng kanyang beatification, naganap sa Roma noong ika-18 ng Oktubre 1987, sa ilalim ng matinding init ng araw, ang canonization ni Lorenzo kung saan siya’y itinanghal bilang isa nang ganap na santo ng simbahan. Nitong especial na araw na ito, sa gitna ng animong isang karagatan ng mga munting bandila ng Pilipinas na winawagayway, naririnig sa labas ng Basilika ni San Pedro and masayang sigaw ng “Viva San Lorenzo” at “Viva Il Papa” mula sa maraming mga Pilipinong nagbuhat sa iba’t ibang dako ng mundo nagpunta upang masaksihan ang pagiging santo ni Lorenzo.

Si Lorenzo ang siyang kauna-unahang santo ng Pilinas at ayon sa Santo Papa, “the most improbable of saints.” Dugtong pa ng Santo Papa “Binibigyan tayo ng Panginoon ng mga santo sa takdang panahon at naghintay Siya ng 350-taon bago ibinigay sa atin itong santong ito…Ang kanyang katapangan na ipinakita niya bilang isang saksing layko…ay siyang kailangin natin sa ngayon. Ang pagsasaksi ni Lorenzo ang siyang simbulo ng katapangan walang hanggang ang kinakailangan natin para ipakita na maaaring rin nating magawa. Para kay Lorenzo, walang pinagkaiba ang kanyang pananampalataya at buhay. Buhay na walang pananampalataya ay walang halaga…ipinakita niya na ang pagiging banal at kabayanihan ay kaya ng kahit sino man.”

Noong ika-29 ng Setyembre, 2007, ipinagdiwang ng simbahang katolika ang ika-20 anibersaryo ng pagiging santo ni Lorenzo. Sa sermon ni Archbishop Gaudencio Rosales, kanyang sinabi “Kahit saan nandoon ang mga Pilipino, ang katapatan sa Diyos ay dala-dala ng Pinoy (Wherever the Filipino may go, he carries his faith in God).”

Malaking kahalagahan para sa ating lahat dito sa parokya ang taong 1987 hindi lamang sa canonization ni Lorenzo. Noong ika-4 ng Setyembre 1987, isang buwan bago si Lorenzo nahirang na santo, sa isang banal na misang pinamunuan ng Kabunyihang Jaime Cardinal Sin, ay binasa ni Msgr. Alfonso Caparas, Vicar Forane, ang pahayag ng Vatican na nagtatalaga sa bagong ngalan ng ating parokya na San Lorenzo Ruiz Parish mula sa dating Church of the Resurrection.

8 comments:

  1. dapat nating tularan si st. lorenzo ruiz ..... inilaan niya ang buhay niya para sa diyos at bayan .... happy feast day st. Lorenzo Ruiz .... by dianne valenzuela

    ReplyDelete
  2. TaMa!!!!!!!!!!!!!!!!!!

    ReplyDelete
  3. hayy .. anu ba yan .. ang sama nila pinaparusahan nila ang mga walang sala ..

    ReplyDelete
  4. ngayon alam ko na.

    ReplyDelete
  5. Si San Lorenzo Ruiz ay isa sa mga paborito kong Santo. Binuwis niya ang kanyang buhay alang-alang sa Diyos. Naway maging katulad tayo ni San Lorenzo! Amen.

    ReplyDelete
  6. ..thanks for sharing this story.very cruel way of death but very strong determination of faith of our saint SAN LORENZO RUIZ.Pray for us SAINT LORENZO RUIZ.

    ReplyDelete
  7. Si San Lorenzo Ruiz,isang insperasyon sa bawat pilipino, kahit saan man naruruon di dapat mawala ang pananampalataya, kahit anumang pag subok sa buhay ang dumating, kahit kamatayan man o maliit na pag subok, dapat bawat sandali ng ating buhay manatili ang pananalig sa nag iisang Diyos, sa ngalan ni Jesus Kristo, anak ng Diyos at sa lahat ng mga Santo...Amen....

    ReplyDelete