Sunday, September 24, 2017

SLRP Nagdaos ng Ika-30 taong Anibersaryo


30-taon na! Ngayong Setyembre, taong 2017, ay ipinadiwang ng Parokya ng San Lorenzo Ruiz ang ika-30 taon anibersaryo ng pagkatatag ng parokya. Ito rin ang ika-30 taon pagiging santo ni San Lorenzo Ruiz kung saan lubos ang saya at pasasalamat ng ating parokya.
Nagumpisa ang kasiyahan noong Setyembre 16, kung saan itinanghal ang SLRP Parish Night, isang gabi ng sayawan at pagpupugay sa Diyos sa biyayang ipinagkaloob sa parokya nitong nakalipas na 30-taon. Tampok dito ang Coronation Night ng Perlas ng San Lorenzo, ang matagumpay na fund-raising project na pinangunahan ng ating mga pinagpipitagang mga lola.

Ang takdang araw ng piyesta naman ni San Lorenzo ay ginanap noong Setyembre 24 at ito ay inumpisahan sa isang Caracol, isang prusisyon ng pasasalamat at pagsasaya kung saan ang imahe ng patron ay inikot sa mga piling lugar ng parokya. Nagsamasama ang lahat - mga parokyano, mga parish workers, kinatawan ng barangay Culiat at ng pamahalaan ng Lungsod sa pagbibigay pugay sa Diyos sa tatlong dekadang biyaya na Kanyang ipinagkaloob. Kaugnay nito, nagpakitang gilas ang iba’t ibang ministry at organisasyon sa parokya sa isang munting street dancing challenge sa harap ng ating simbahan. Kasabay rin nito namahagi ng libreng street food ang mga ministry at sangay ng pamahalaang lokal para sa lahat.

Matapos ang caracol, siya namang sinundan ng Fiesta High Mass sa ika-10 at kalahati ng umaga. Ito ay pinangunahan ni Rev. Fr. Jerry Orbos, SVD, sampu ng mga kaparian ng Priests of the Sacred Heart of Jesus. Sa kanyang sermon, binigyan saysay ni Fr. Jerry ang katangian ni San Lorenzo na dapat tularan at isabuhay ng mga nagmamahal sa Diyos – ang ipaglaban ang pananampalataya kahit na ibuwis an isang libo mang buhay!!

Matapos ang misa, agad naman pinasiyaan ni Fr. Jerry, kasama ng Kura Paroko na si Fr. Al Back ang Hardin ni San Lorenzo, na siyang magsisilbing karagdagang lugar ng pagmumuni-muni at pagdarasal.

Sinundan ito ng isang salu-salo sa Parish Formation Center kung saan iginawad ang Perlas Ng San Lorenzo service awards sa mga parish workers na may edad 77 taong at may pitong taong serbisyo pataas. Sa paligid ng mga kaibigan, kamag-anak, mga religious, mga ministry at organisasyon sa parokya, pamunuan ng barangay, mga punong layko at punong kaparian ng parokya, sila ay binigyan pasasalamat at pagtanaw sa kanilang walang sawang pagtataguyod sa parokya.
Sa tulong tulong ng lahat, nagkatotoo ang inaasam-asam na panalangin ng lahat sa isang buhay, mulat at kumikilos ng parokya. Kay San Lorenzo Ruiz, huwaran ng pakikipag-isang buhay kay Kristo, nananalagin kami sa iyo na putuloy mong kaming gabayan.

Viva San Lorenzo at maligayang kapistahan sa lahat.

No comments:

Post a Comment