By Ellen Bautista
YF Participant
WOW!
'Yan ang bukod-tanging salitang nasabi ko nang marating namin ang Kamay ni Hesus sa may Lucban, Quezon. Alam kong 'di sapat ang napakaikling salitang 'yon para maipahayag ko ang aking pagkamangha sa lugar na 'yon. Talaga namang words are not enough to express my amazement nang makarating kami roon.
Alas singko ng umaga ng June 4, 2011 nang magsimula kaming bumiyahe patungong Lucban, Quezon. Kasama ang 46 pang mga kabataan, labis akong namangha sa magagandang tanawing aming nakita. Naging masaya ang aming paglalakbay 'di lamang dahil sa mga nakita naming 'yon, kundi dahil na rin sa masisiglang diwa ng bawa’t isa. At matapos nga ang mahigit 3 oras na biyahe ay narating din namin ang bayan ng Lucban at tumuloy sa Barangay Tinamnan kung saan naroroon ang Kamay ni Hesus. Doon ay inakyat namin ang 295 na baitang ng burol kung saan matatagpuan ang mga naggagandahang life-size figure na nagrerepresenta ng 14 stations of the cross at doon humihinto't nagdarasal. Matapos akyatin ang burol na 'yon ay natunton din namin sa wakas ang napakalaking istatwa ni Hesus na may taas na 50 talampakan at sinasabing pangatlo sa pinakamalalaki sa buong mundo. Tampok din dito ang simbahang tinatawag na “Kamay ni Hesus healing church” kung saan ipinagdiriwang ang mga healing mass na pinamumunuan ni Fr. Joey Faller.
Tunay ngang naging sulit na sulit ang paglalakbay naming 'yon, paglalakbay na naging paraan upang alalahanin ang naging matuwid na buhay at mga paghihirap ni Hesus bilang tao. At kasabay nito ay ang pagkakaroon ng mas malawak pang pang-unawa sa kakayahan naming mga kabataaang bigyang kabuluhan ang bawa’t paglalakbay na aming tinatahak.
No comments:
Post a Comment